Gilmore Station

(repost from my Multiply site–written 4 years ago)

Nakita ko na naman siya. Masasabi kong plinano ko tlagang puntahan ang building na nakita kong pinasukan niya noong araw na sinundan ko siya mula sa Gilmore station ng LRT2. Subalit sa maniwala ka man o hindi, hindi ko tlaga inaasahan na makikita ko talaga siya noong araw na iyon na napadaan ako sa Gilmore.

Ganon pa din ang itsura niya. Medyo nagmukha lang siya mas bata ngayon. Siguro kasi wala na yung bigote niya. Sa tingin ko, parang mas maputi din ang kulay niya ngayon.

Malayo pa lang ako tinatanaw ko na ang itaas ng gusaling pinasukan niya noon. Sa isip ko ay naghahabi na ako ng maari kong sabihin sa guwardiya kung sakali mang tanungin niya ako kung ano ba ang kailangan ko o ano ang pakay ko sa loob ng gusali na yaon. Sa totoo lang, wala talaga akong maisip. Ni hindi ko kasi alam kung ano ba ang mga klase ng kompanyang nasa loob ng gusali na iyon.

Bahala na.

Nang malapit na ako at ang kaibigan ko sa gusaling tinutukoy ko, para bang may hangin na bumulong sa akin na tumingin ako sa may bandang ibaba, sa may kanto ng gusali. At may parang kung anong kamay na humawak sa ulo ko at iminuwestra nga ang direksyon na yaon. Sa aking pagkagulat, nakita ko siyang nakatayo doon sa may kanto. At sa aking pagkamangha, nakatingin siya sa akin. Hindi ko alam kung natatandaan pa niya ako dahil dalawang beses lamang kaming nagkasabay sa LRT2, at yaong isang beses nga ay nang sinundan ko pa siya. Subalit, mahigit isang taon na ang nakalipas mula ng huli ko siyang makita.

Aaminin ko, nataranta ako. Para bang hindi ko alam kung dapat ba akong tumuloy sa paglalakad patungo sa direksyon niya o tama bang bumalik na lamang ako sa pinanggalingan ko.

Subalit ang mga paa ko ay ayaw paawat. Para bagang nais nitong malaman kung ano ang mangyayari kapag ako’y dumaan sa harapan niya. Kaya’t ako’y nagpatuloy.

Nang nasa tapat na niya ako, hindi ko mawari subalit parang gusto ko na siyang kausapin. Para bang may munting magnetong nagnanais na ilapit ako sa kanya. Subalit nagawa ko pa ring pigilin ang sarili ko.

Nagpatuloy ako sa paglakad. At nang ako ay nakalayo na ng konti sa kanya, nilingon ko ang kanyang kinatatayuan. NAkita ko siyang nakatingin sa akin. marahil ay sinusundan niya ako ng tingin. Lalo akong naguluhan.

Naglakad pa ako ng naglakad hanggang sa malayo na ako sa kanya. Subalit huminto ako ng sa tingin ko ay hindi na niya ako makikita. Makalipas ang halos sampung minuto, may dumaang taxi sa harapan ko. Siya ang nakasakay. Kapag daan niya sa aking kinatatayuan, tumingin siya sa akin at ngumiti. Napatigil ako. Sinundan ko ng tingin ang sinasakyan niyang taxi hanggang sa ito’y mawala na sa paningin ko.

Aaminin ko, nagalak ang puso ko ng makita ko siyang muli. Hindi dahil sa makisig siya o kung ano pa man. Isa lamang ang dahilan: kamukhang-kamukha niya ang aking nasawing kabiyak. Sa tindig niya, sa kilos, sa lakad, sa pangangatawan, maari silang pagkamalang kambal ng aking minamahal. Marahil nga ay kung makikita ang lalaking yaon ng mga magulang ng aking mahal, maghahalo ang tuwa at pananabik sa kanilang mga puso. Katulad ng aking naramdaman ng una kong makita ang lalaking iyon. Ang sabi pa nga ng kaibigan ko, kinilabutan daw siya ng makita niya ang lalaking iyon sapagkat para niyang nakitang muling nabuhay ang mahal ko.

Ang sabi ko noon, kapag nakita ko muli ang lalaking iyon, lalapitan ko na talaga siya at sasabihin ko sa kanya kung bakit ako tingin ng tingin sa kanya. Pagkaraka ay hihilingin ko sa kanya na kung maari ay yakapin ko siya kahit saglit lamang. Ninanais ng puso ko noon na maramdaman muli ang yakap ng aking mahal sa pamamagitan ng lalaking yaon na kawangis na kawangis niya.

Subalit hindi ko iyon  nagawa ng ang lalaking iyon ay makita kong muli. Marahil ay pinanghinaan ako ng loob. O sadyang hindi ko talaga kaya. Hindi ko alam.

Ang sabi ko noon, kung talagang siya ang masasabing “reincarnation” ng aking mahal, hindi ko siya kinakailangang hanapin pang muli o sundan pa sa gusaling iyon. Kung talagang siya nga, ipapakita siyang muli sa akin ng langit.

Alam ko sa puso ko na ako’y mahihirapan lamang. Iisa lamang ang lalaking gusto kong makasama habang buhay. Iisa lamang ang lalaking nais kong mahalin at pag-alayan ng buhay ko hanggang sa dulo ng walang hanggan. Naisip ko, marahil nga ay kamukhang-kamukha niya ang aking minamahal, subalit hindi maaring siya at ang mahal ko ay iisa. Nag-iisa lamang ang lalaking kilala ng aking puso. At alam ko, naghihintay lamang siya sa akin sa kabilang buhay.

Datapwat kung sakaling nahabag sa abang kalagayan ko ang langit at sa wakas ay pinakinggan din ang matagal ng dinarasal ng aking puso, na ako at aking mahal ay pag-isahin muli, alam kong hindi takot ang mararamdaman ko kundi walang patumanggang kasiyahan. Sapagkat sa ngayon, sa nararamdaman ko ng makita ko ang lalaking yaon, ako’y may takot at pangamba. Para bagang ako’y nakatayo na naman sa isang pintuan, na ni hindi ko alam kung ano ang nasa loob.

Ayoko na. Minsan na akong nagbukas ng pintuan na inihain sa akin. At sa pintuang yaon ko naranasan ang walang hanggang kaligayahan at pagmamahal. Isang uri ng pagmamahal na walang kapantay at hindi kayang tumbasan ng anupaman. Tama ng iyon na lamang ang aking paglagian hanggang sa ako’y magpaalam sa mundong ito. Ayoko nag muli pang magbukas ng panibangong pinto. Maaring ako’y makasakit lamang.

Hindi ko alam kung makikita ko pang muli ang lalaking iyon. Pero isa lamang ang sigurado, hindi ko na siya muling hahanapin pa. Kung sakali mang iaadya talaga ng langit na ang landas namin ay magkrus muli, marahil sa pagsakay ko muli ng tren sa LRT2 papuntang Gilmore, alam ko na hindi ako maaring malinlang ng aking damdamin. Dedepende na lamang ako sa tibok ng aking puso. Alam kong puso ko lamang ang makapagsasabi kung nagbalik nga ba panandalian ang aking mahal.

Hanggang sa muling pagdaan ko sa Gilmore Station….

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s